LUCID DREAM: sa pagitan ng panaginip at puso


Sta. Lucia Highschool

#30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City


Lucid Dream

ni Alyloony
PSICOM Publishing Inc. 2015

Isang Suring-Aklat (Book-Review) na iniharap
Kay G. Danilo P. Agpaoa, Let
Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong
Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik.


Ipinasa ni:
Heide Nathalie Gloria
G11-STEM 4

Enero, 2026
I. PANIMULA

A. PAMAGAT
      
     Ang pamagat na Lucid Dream na isinulat ni Aly Almario o Alyloony ay sumasalamin sa pangunahing tema ng kwento, lalo na sa koneksyon ng panaginip at realidad sa buhay ng mga tauhan. Ang mga tauhan sa akda ay dumaan sa mga pagsubok at emosyonal sa usapin ng pag-ibig, kung saan hinarap nila ang takot, pag aalinlangan, at mga sitwasyong parang panaginip ngunit nag iiwan ng tunay na sakit at aral sa totoong buhay. Ang salitang "lucid" ay nangangahulugang malinaw, may kamalayan, at may kontrol. Sa akda, ito ay maaaring iugnay sa mga sandaling nagiging malinaw ang nararamdaman at kaisipan ng mga tauhan, lalo na kung paano nila haharapin ang kanilang emosyon at mga karanasan sa buhay. Nagbibigay ito ng ideya sa pamagat na kahit magulo ang mga nangyayari, may pagkakataong nagiging malinaw ang kanilang katotohanan at nararamdaman.
     
     Samantala, ang salitang Dream ay sumisimbolo sa mga panaginip, ilusyon, pagnanasa, at mga bagay na mahirap makamtan ngunit malakas ang epekto sa isang tao. Sa nobela, ang bahagi ng “dream” ay makikita sa masalimuot na emosyon ng mga tauhan sa hindi tiyak na landas ng kanilang pag-ibig, at sa mga pangyayaring panaginip ngunit puno ng sakit, takot, pagkabigo, at pag-asa. Ipinapakita rito na may mga bagay na parang panaginip lamang, ngunit may kakayahang makaapekto nang malaki sa kanilang buhay.
    
     Sa kabuuan, ang pamagat na Lucid Dream ay sumasalamin sa buong kwento ng nobela. Ipinapakita nito na ang buhay at pag-ibig ay minsan parang panaginip na hindi natin lubos na nauunawaan, ngunit dumarating ang panahon na nagiging malinaw ang lahat at kailangan nating harapin ang realidad. Dahil dito, ang nobelang ito ay nagiging simbolo ng emosyon, katotohanan, at karanasang nag-iiwan ng mahalagang aral sa buhay ng mga tauhan at sa mga mambabasa.

B. Uri ng Panitikan At Genre
     
     Ang Lucid Dream ay isang akdang pampanitikan na nabibilang sa panitikan ng nga kabataan o teen fiction at romansa. Ito ay kabilang sa genre ng young adult fiction dahil tumatalakay ito sa mga karanasan ng kabataan, lalo na sa usapin ng pag-ibig, sarili, at realidad ng buhay. Sa ilalim ng genre na ito, ang nobela ay kadalasang nakatuon sa mga relasyon, pagkakaibigan at emosyonal na panaginip ng mga kabataan sa pag-ibig. Ang akdang ito ay sinusuportahan ang mga tema ng pagkakaibigan, pag-ibig at personal na pagsubok. Sa pamamagitan ng mga tauhan o karakter sa nobela, Ipinapakita dito ang pagharap sa pagsubok, pagtanggap sa katotohanan, at kahalagahan ng pag-ibig na may kasamang paghilom

C. Pagkilala sa may Akda
     
     Si Aly Almario, na mas kilala sa kanyang pen name na Alyloony, ay isang Pilipinong manunulat na nakilala sa platform na Wattpad. Siya ay sumikat dahil sa kanyang mga akdang tumatalakay sa pag-ibig, kabataan, at mga karanasang puno ng damdamin partikular na ang kaniyang sikat na akda na Lucid Dream. Ipinakita niya sa kaniyang mga kuwento ang husay sa paglalarawan ng mga emosyon at karanasang madalas maranasan ng mga kabataan, kaya’t mabilis siyang minahal ng mga mambabasa.
     
    Bukod sa pagsusulat, ipinahayag ni Aly sa kaniyang blog ang kanyang pagmamahal sa pagbabasa ng mga libro at panonood ng mga pelikula. Mahilig din siyang maglakbay kasama ang kaniyang pamilya at subukan ang iba’t ibang kainan. Sa kanyang blog, may bahagi siyang tinatawag na “Diary” kung saan isinusulat niya ang kaniyang mga saloobin, alalahanin, at mga karanasang nagbibigay-inspirasyon sa kaniyang mga akda. Sa ganitong paraan, naipapakita niya na ang pagsusulat ay hindi lamang libangan, kundi paraan din ng paglabas ng damdamin at pag-unawa sa sarili
     
     Bilang isang manunulat, si Aly Almario ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga kabataan na gamitin ang pagsusulat bilang paraan ng pagpapahayag. Sa kabila ng kanyang kabataan, ipinakita niya na ang talento at dedikasyon ay maaaring magsilbing tulay upang marating ang tagumpay. Sa pamamagitan ng kanyang mga akda, naiwan niya ang marka bilang isa sa mga mambabasa at manunulat na nagbigay-buhay sa makabagong panitikan sa internet.

II. PAGSUSURING NILALAMAN

A. TEMA/PAKSA
     
     Ang Lucid Dream ni Alyloony ay tumatalakay sa tema ng hindi malinaw na relasyon at emosyonal na pagsubok ng mga kabataan. Ipinapakita ng akda kung paano nagiging takbuhan ng mga tauhan ang kanilang mga panaginip upang makatakas sa sakit, problema, at bigat ng totoong buhay. Tinutukoy nito kung paano naging mahirap at hindi malinaw ang isang relasyon, lalo na ito ay sa panaginip lamang. Ang paksa ng nobela ay umiikot sa mga romantikong relasyon, pagtutok sa mga kabataang may personal na pinagdadaanan at ang tamang desisyon sa gitna ng panaginip at realidad. Ang mga tauhan sa kwento ay kumakaharap sa mga sitwasyon na may kinalaman sa kanilang nararamdaman at relasyon, kaya sumasalamin ito sa mga karaniwang isyu ng mga kabataan, tulad ng pagtakas nila sa realidad, paghahangad nila ng masayang buhay, at paghahanap ng tunay na pagmamahal

B. MGA TAUHAN/TAGPUAN/PANAHON
MGA TAUHAN:

1. Angelique- Siya ang pangunahing bida ng kwento. Isang babaeng estudyante na may kakayahang manipulahin ang kanyang mga panaginip, na nagiging daan upang makalayo siya sa kanyang mahirap na realidad. Sa kanyang mga panaginip, siya ay mayaman at popular, subalit sa totoong buhay, siya ay nahihirapan at nag-aaral sa isang pampublikong paaralan.

2. Caleb- Siya ang mortal na Dream traveler sa panaginip ni Angelique. Siya ang lalaking nagbigay ng aliw, pag-asa, at kakaibang koneksyon sa buhay ni Angelique sa loob ng panaginip. Mahalaga siya sa bida dahil naging simbolo siya ng pag-ibig na totoo ang pakiramdam ngunit mahirap panindigan dahil nakatali lamang sa mundo ng panaginip.

3. Amanda- Isa sya sa matalik na kaibigan ni Angelique. Siya ay nagbibigay ng saya, pang-unawa, at suporta. Sa huli, nakatuluyan niya si Owen, na minsan ay nagustuhan ni Angelique sa realidad.

4. Lilian- Isa rin sya sa pinakamalapit na kaibigan ni Angelique. Tulad ni Amanda, Siya rin ay nagbibigay ng suporta, lakas ng loob, at katuwang sa pagharap ni Angelique sa mga personal na pagsubok na kanyang nararanasan. Sa huli, natagpuan niya ang kanyang sariling pag-ibig at nakatuluyan si Gerald.

5. Owen- Ang unang minahal ni Angelique sa tunay na mundo. Siya ay gwapo, mayaman, mabait, at halos perpektong lalaki sa paningin ng bida. Sa kabila ng pagkakaroon niya ng magagandang katangian, hindi rin naging madali ang lahat para kay Angelique pagdating sa kanya.

6. Gerald- kaibigan ni Owen na inakala ni Angelique na magiging katuluyan ni Amanda. Siya ay gwapo, mayaman, at may mabuting kalooban. Siya ay maaaring tahimik ngunit mapagmahal at sumusuporta sa kaibigan.

7. Howard- kaibigan ni Owen at nakatuluyan ni Lilian. Tulad nina Owen at Gerald, siya ay mayaman, gwapo, at mabuti ang kalooban. Siya ay maaaring makulit ngunit nagpapakita ng tunay na pagmamahal sa 
mga kaibigan at kay Lilian.

8. Prinsesa Celeste- Isang karakter na maaaring maging dahilan kung bakit hindi matutuloy ang pag-ibig ng dalawang bida. Isang Dream Goddess na matatagpuan sa mundo ng panaginip. Siya ang tumulong kay Caleb upang makatawid sa pagitan ng realidad at panaginip at manatili sa mundong iyon. Siya rin ang nagbigay ng sumpa na hindi muling magkikita ang landas ng dalawang bida sa realidad. Maaaring sya ay may mabuting kalooban, matulungin ngunit strikto sa usapan.

MGA TAGPUAN:

1. Panaginip- Ang panaginip ay isa sa mga pangunahing tagpuan sa kwento, kung saan nagkikita ang dalawang bida at nagkakaroon ng ugnayan sa isa’t isa. Ang panaginip ay hindi lang lugar kung saan nananaginip ang dalawang bida kundi dito rin nabuo ang kanilang damdamin, dito nila unang naranasan ang tunay na saya, kilig, pag-asa, ngunit dito rin umusbong ang sakit, pangamba, at pighati.

2. Unibersidad o paaralan- Ang unibersidad 
ay isa sa mahahalagang tagpuan sa kwento dahil dito madalas nagtatagpo ang mga magkakaibigan at nagkakaroon ng mga interaksyon. Ito ang nagsilbing lugar ng kanilang tawanan, kwentuhan, at mga pangkaraniwang karanasan bilang kabataan. Sa paaralan rin nangyari ang ilan sa mahahalagang pangyayari na may kinalaman sa pagkakaibigan at pag-ibig.

3. Bahay ng bida- Ang bahay ni Angelique ay isang simpleng tahanan na maliit at may limitadong kakayahan sa mga materyal na bagay. Ipinakikita nito ang realidad ng kanyang buhay, ang hirap, kakulangan, at mga pagsubok na kanyang hinaharap. Ang tagpuang ito ay mahalaga dahil dito makikita ang malaking pagkakaiba ng mundo ng panaginip at ng tunay na mundong ginagalawan niya. Ito rin ang lugar kung saan nararamdaman ni Angelique ang tunay na emosyon, paghihirap, at paghahanap ng pagmamahal.

4. Tala- Ito ay ang mahiwagang kaharian ng Dream Goddess kung saan umiikot ang kapangyarihan ng panaginip. Ito ang lugar na puno ng hiwaga, kagandahan, at kakaibang enerhiya na nag-uugnay sa panaginip at realidad. Sa kahariang ito nagaganap ang mga mahahalagang pangyayari na may kinalaman sa kapalaran ni Caleb at Angelique.

PANAHON:
      
     Ang panahon sa nobelang Lucid dream ay araw ng Pasukan. Naglalarawan ito ng mga kabataan na abala sa eskwela, at nakikipag-usap sa mga kamag-aral o kaibigan. Sa gitna ng mga pag-aaral ng mga mag-aaral dito nagkakaroon ng sari-sariling karanasan sa pag-ibig, pagkakaibigan at panibagong hamon sa buhay. Samantala, sa mundo ng panaginip ni Angelique, madalas ito nagaganap sa gabi, oras kung kailan natutulog si Angelique at nabubuksan ang panaginip nya para makipagkita kay Caleb. Sa panaginip, walang tiyak na oras dito dahil humihinto ang panahon at nakatuon lamang sa kanilang emosyon, karanasan, at relasyon.

C. Estilo ng pagkakasulat ng may-akda
     
     Ang estilo ng pagsulat ni Alyloony sa Lucid Dream ay malinaw, emosyonal, at madaling maunawaan ng mga kabataan. Gumagamit siya ng simpleng wika ngunit puno ng damdamin upang mas maramdaman ng mambabasa ang pinagdadaanan ng mga tauhan. Madalas din niyang gamitin ang paraan ng pagkukuwento na parang personal na karanasan upang maging mas malapit ang kwento sa mambabasa. Ipinapakita niya ang mga emosyon tulad ng takot, pagkalito, sakit, at pag-ibig sa paraang natural at makatotohanan. Dahil dito, nagiging makabuluhan ang kwento at nagiging mas madali para sa mambabasa na makarelate sa mga pangyayari at mensahe ng nobela.

III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN

A. KAKINTALAN/KAISIPAN
     
     Ang Lucid Dream ni Alyloony ay nagbibigay ng malalim na kakintalan sa mga mambabasa tungkol sa pag-ibig, tadhana, realidad ng buhay na hindi kaging umaayon sa nais ng puso. Ipinapakita ng nobela na ang pag-ibig, kahit gaano man ito kalalim at katotoo, ay minsan hindi sapat upang magtagumpay sa mga kapalaran at sa mundong ginagalawan. Sa relasyon nina Angelique at Caleb, mababasa o makikita ang emosyonal na pakikipagsapalaran sa pamamagitan ng pagpili sa pag-ibig at pagtanggap sa realidad. Ang kanilang pag-ibig ay naging simbolo ng isang relasyon na totoo ngunit mahirap panindigan dahil ito ay umiiral sa pagitan ng panaginip at realidad. Sa pamamagitan nito, ipinapakita ng akda na hindi lahat ng pag-ibig ay nagtatapos sa “masayang wakas,” ngunit nag-iiwan ito ng malalim na aral tungkol sa pagtanggap, katapangan, at pagsasakripisyo.
     
     Ang pangunahing kaisipan ng akdang Lucid Dream ay nakatuon sa kapangyarihan ng pag-ibig at koneksyon sa tauhan. Ipinapakita ng nobela na kahit nasa pagitan ng realidad at panaginip, nananatiling buhay ang damdamin at alaala. Sa panaginip nagiging posible ang mga bagay na mahirap gawin sa tunay na buhay tulad ng pagharap sa takot, pagbabalik sa masasayang sandali, at pakikipagtagpo sa mga taong hindi na natin kayang makasama sa realidad. Dahil dito, ang lucid dream ay nagiging kanlungan ng emosyon, ngunit kasabay nito ay nagiging paalala na hindi natin matatakasan ang katotohanan.
     
     Isang mahalagang kakintalan na matututunan sa Lucid Dream ay ang pagbibigay-diin sa personal na paglago at emosyonal na paghubog ng mga tauhan. Sa kabila ng sakit, pagkalito, at pagkawala, natututo ang mga karakter. Halimbawa, si Angelique, natuto syang tanggapin ang katotohanan at mas piliing pahalagahan ang sarili, pamilya, at realidad na kanyang ginagalawan. Ang akda ay nagpapakita na ang pag-ibig ay hindi lamang tungkol sa kilig at kaligayahan, kundi isang proseso ng pagkatuto na nagmumula sa pagdurusa, pag-iyak, at pagbitaw sa taong mahal mo. Sa huli, ipinapakita ng Lucid Dream na ang tunay na lakas ay nakikita sa kakayahang mag-move on, magpatawad, at magpatuloy sa buhay kahit hindi natupad ang pag-ibig na minsang naging mahalaga sa puso.

B. KULTURANG MASASALAMIN
     
     Sa Lucid Dream ni Alyloony, makikita ang kulturang masasalamin sa mga temang ipinapakita ng akda na tumatalakay sa mga karanasan ng kabataan sa konteksto ng pag-ibig, pagkakaibigan at Pamilya. Isa sa mga pinakamahalagang aspeto ng kulturang Pilipino na lumalabas sa nobela ay ang kahalagahan ng suporta o relasyon ng pamilya. Sa akda, may mga tauhan na nagpapakita ng matinding pagnanais na maranasan ang atensyon o suporta ng kanilang mga magulang, ngunit sa kabila nito, may mga paghihirap at hindi pagkakaunawaan na nagpapakita ng tradisyonal na pagpapahalaga sa pamilya, gayundin may mga tauhan na handang isakripisyo ang lahat para sa pamilya kahit sarili pa nito ang maapektuhan. Ang akda ay sumusunod sa buhay ng mga pangunahing tauhan tulad nina Angelique at Caleb na parehong dumadaan sa mahirap na karanasan at handang tumakas sa realidad. Si Caleb, sa kanyang paghahanap ng atensyon ng kanyang magulang ay nagawa nyang tumakas sa realidad at doon na manirahan. Sa kabilang banda, si Angelique ay isang karakter na nagpabago ng pagbabago at pananaw sa buhay ni Caleb. Si Angelique ay nakaranas ng sapat na pagmamahal sa kaniyang pamilya pero sila ay mahirap, maraming kakulangan at handa nyang isakripisyo ang lahat para lang sa kaniyang pamilya. Sa kabila ng mga pagsubok at sakit na idinulot ng kanilang karanasan, nagsilbi itong halimbawa kung paano ang pagmamahal at pagpapatawad ay makakatulong para magkita muli ang landas ng bawat isa.
     
     Ang kwento ay nagpapakita ng mga aspeto ng pagkakaibigan at pag-ibig na puno ng pagkalito at mga personal na pagsubok, ngunit sa kabila ng lahat ng ito, Ipinapakita ng mga tauhan ang kanilang kakayahang harapin ang realidad at tanggapin ang mga bagay na hindi maaaring manatili. Ang mga karanasang ito ay nagpapakita ng isang malalim na mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagtanggap sa damdamin, pag-unawa sa sarili at pagharap sa realidad ng bawat isa. Sa bawat pahina ng nobela, makikita ang mga tauhan na nahihirapan harapin ang realidad ngunit patuloy pa rin nakikisabay sa daloy ng tadhana. Ang kanilang mga paglalakbay ay nagpapakita ng kahalagahan na mas mabuting harapin ng bawat ang isa ang realidad kaysa manatili sa panaginip na kahit anong gawin, ay hindi mangyayari. Sa kabila ng pagkalito at pagsubok, ang bawat tauhan ay natuto na hindi lahat ng panaginip ay nagtatapos sa maganda, at hindi rin lahat ng pag-ibig ay umaayon sa tadhana, ngunit ito ay bahagi ng mga karanasan at proseso para sa paglago ng tauhan.
     
     Sa huli, ang Lucid Dream ay isang kwento ng paghahanap ng sarili, pagtanggap sa katotohanan, at pagkatuto mula sa mga karanasang hindi natin kontrolado. Ipinapakita ng akda na ang buhay ay puno ng mga pagsubok, sakit, at mga sitwasyong hindi palaging naaayon sa nais ng ating puso, ngunit sa bawat karanasang ito ay may mahahalagang leksyon na ating natututunan. Sa paglalakbay nina Angelique at Caleb sa pagitan ng panaginip at realidad, ipinapakita ng kwento na ang tunay na tapang ay hindi lamang nasusukat sa kung paano tayo nagmahal, kundi sa kung paano natin natanggap ang katotohanan kahit masakit. Sa pagtatapos ng akda, naipapakita na kahit hindi palaging masaya ang wakas, nagiging daan naman ito para sa mas malalim na pag-unawa sa pag-ibig, sa sarili, at sa kahalagahan ng pagtanggap at pagharap sa tunay na buhay.

IV. LAGOM
     
     Ang lucid dream ni Angelique ay kadalasan tungkol sa kanya at kay Owen, ngunit biglang lumitaw si Caleb at nakigulo sa kanyang panaginip. Dati pa man ay minamanmanan ni Caleb si Angelique sa panaginip, at nagtatago siya kapag natutulog si Angelique. Tuwing nagigising si Angelique sa umaga, lagi niyang iniisip si Caleb at nagtatanong sa sarili kung totoo ba na may nakasama sya sa kanyang panaginip o bahagi lang ng ginagawa nyang tao sa panaginip nya. Nang muling s’yang matulog akala niya nawala na si Caleb, ngunit nandoon pa rin ito sa ilalim ng cherry blossom tree, ang paborito nilang lugar para magkwentuhan sa panaginip. Kahit madilim ang paligid kapag nagigising si Angelique, hindi umaalis si Caleb sa kanyang puwesto dahil ayaw niyang maligaw at hindi na makabalik sa panaginip ni Angelique.
Sa paglipas ng panahon, naging malapit sina Angelique at Caleb sa panaginip. Sa realidad naman, naging malapit din si Angelique kay Owen, kaya tuwing bumabalik siya sa panaginip, lagi niyang ikinukwento kay Caleb ang nangyayari sa pagitan niya at ni Owen. Unti-unti, nalilito si Angelique sa kanyang damdamin kung may gusto ba talaga siya kay Caleb o wala, dahil alam niyang panaginip lamang ito at hindi totoo si Caleb. Nang nalaman nya na nag katuluyan sina Amanda at Owen, nagtaka si Angelique kung bakit hindi siya nakaramdam ng kirot, at doon niya napagtanto na baka may tunay na nararamdaman siya kay Caleb. Dahil dito, mas natuwa si Angelique sa kanyang mga panaginip at maaga na siyang natutulog, upang makasama si Caleb sa iba’t ibang panaginip at mga paglalakbay nila doon. 

     May isang panaginip na laging pinupuntahan ni Caleb, kung saan nakikita niya ang isang batang babae na nakatingin sa mga magulang nito na ikinakasal. Tuwing dumarating si Caleb, niyayakap siya ng batang iyon at nagtatanong kung kailan siya babalik. Nalaman ni Angelique na ito pala ay panaginip ng mommy ni Caleb, na hinihintay siyang bumalik sa realidad. Tumagal ang panahon sa panaginip at napag-usapan nina Caleb at Prinsesa Celeste na kailangan na niyang mawala. Ipinaliwanag ni Caleb sa panaginip kay Angelique ang kanyang pag-alis at ang pagkawala ng kanyang buhay. Ngunit dahil napamahal na siya kay Angelique, natakot siya na baka gawing Dream Traveler din si Angelique ng Dream Goddess, at ito ang hindi niya hahayaang mangyari. Humingi siya ng tulong kay Prinsesa Celeste, at binigyan sila ng pagkakataon, ngunit may sumpa: hindi kailanman magtatagpo ang kanilang landas.

     Sa huli, nagising at umiiyak si Angelique at habang nagising naman si Caleb sa hospital at gaya nga ng sumpa, lumipas ang mga taon na hindi nagtatagpo ang kanilang landas. Ngunit sa hindi inaasahan, dumating ang dating taksil sa Tala, na ito ang pumatay sa Dream Goddess, at naputol ang sumpa. Dahil dito, muling nagkatagpo sina Angelique at Caleb sa ilalim ng cherry blossom tree sa Japan, na simbolo ng kanilang pagmamahal at pagkakaunawaan, sa kabila ng mga pagsubok at limitasyon ng mundo ng panaginip at realidad.

V. MGA REAKSYON AT MUNGKAHI
     
     Bilang isang mambabasa na unang beses pa lamang nakabasa ng ganitong uri ng kwento, masasabi kong naging kakaiba at kapana-panabik ang aking karanasan sa pagbabasa ng Lucid Dream. Sa simula, hindi ko agad inasahan na ang isang kwentong may kinalaman sa panaginip ay magiging ganito kalalim at emosyonal. Habang binabasa ko ang kwento ni Angelique, unti-unti kong naramdaman ang kanyang pagkalito, takot, at mga tanong sa sarili tungkol sa pag-ibig at realidad. Bilang isang mambabasa, nagustuhan ko itong nobelang ito dahil siguro naiuugnay ko ang sarili ko kay Angelique.

     Habang nagpapatuloy ang kwento, mas lalo akong nahikayat dahil sa pagsasama ng mundo ng panaginip at ng realidad. Ang mga tagpo sa paaralan, kasama ang mga kaibigan ni Angelique, ay nagbigay-linaw sa kanyang pagkatao at sa mga desisyong kailangan niyang harapin. Ang karakter ni Caleb ay isa sa mga pinaka-tumatak sa akin dahil siya ay kumakatawan sa mga damdaming hindi madaling ipaliwanag ngunit totoo at malalim. Bilang unang beses kong makabasa ng ganitong genre, masasabi kong naging epektibo ang paraan ng pagkukuwento dahil hindi ito nakalilito at unti-unting inilalahad ang mga pangyayari hanggang sa maunawaan ng mambabasa ang kabuuan ng kwento.

     Bilang mungkahi, maaaring mas palalimin pa ang ilang bahagi ng kwento lalo na ang pinagmulan ng kapangyarihan ng Lucid Dream at ang papel ng mundo ng Tala upang mas lubos itong maunawaan ng iba pang mga mambabasa. Gayunpaman, nananatiling makabuluhan ang mensaheng hatid ng nobela dahil ipinapaalala nito na ang pag-ibig ay hindi laging madali at minsan ay kailangang tanggapin ang mga bagay na hindi kayang manatili. Sa kabuuan, ang Lucid Dream ay isang akdang nagbibigay inspirasyon sa mga kabataang mambabasa na pahalagahan ang kanilang emosyon, maging matatag sa harap ng pagsubok, at matutong magpaalam kahit masakit kung iyon ang makabubuti para sa lahat.

Comments

Popular posts from this blog

Panunuring Pampanitikan